Saturday, June 4, 2016

Checklist Bago Ipasa ang Blog Entry

Payáw. Kuha sa Banaue, Ifugao noong Disyembre 2012.

BILANG PAKIKILAHOK SA KLASE, ibig kong gumawa ng blog entry ang mga mag-aaral bilang pagpapamalas ng kanilang natutuhan. Naniniwala akong ang tunay na pakikilahok sa klase ay nasa antas ng kamalayan––ng kakayahang magproseso ng mga binasa, tinalakay, at ginawa sa klase upang maisalin ang mga ito sa mga likha o kathang mapanuri at malikhain.

Sa isang mapanuri, nakikíta sa binabása at ginagawa ang hindi laging hayag o lantad na naroon. Kaya niyang baklasin ang mga itinatatag ng teksto upang maipakita ang mga kubling pagkiling at pinagmumulan nito. Nagsisilbing mata ang manunuri ng madlang hindi laging nakakikita o sadyang ayaw makakita.

Sa isang malikhain naman, sa mula sa binása o ginawa ay nagagawa niyang makalikha ng iba at bagong bagay. O isa rin itong pagtatanim, na sa munting butil ay kayang magpayabong ng dambuhalang púnong kinamanghaan noon ng mga katutubo't pinag-alayan ng kanilang pananalig at pag-asa.

Kaya naman, inaasahan kong ang bawat blog entry ay pagpapakita ng kapangyarihan ng kamalayan na maging mapanuri at malikhain. Nagawa ito ng marami sa mga dati kong mag-aaral. Naniniwala akong magagawa rin ninyo.

Nasa ibaba ang apat na tanong sa sariling maaaring gamiting gabay upang matiyak na handa nang ipasa ang blog entry.

1. Mayroon ba akong bagong kabatiran o idea na ibinabahagi? 

Kung wala, ano ang punto ng pagbabahagi ng isang bagay na nariyan na––narinig na o nabasa na natin mula sa iba? Kaya kung wala, huwag na munang ipasa ang entry. Muling iproseso ang mga binasa, ginawa, at tinalakay sa klase hanggang makarating sa isang natatanging kaisipan. Paganahin pa ang mapanuri at malikhaing kamalayan sa pagsipat sa mga bagay-bagay.

2. Epektibo ba ang paggamit ko sa anyong pinili? 


Mahalagang naisaalang-alang ang kasiningan ng mga partikular na anyong ginamit sa entry. Halimbawa, kapag tumula, mahusay ba ito sang-ayon sa pamantayang pantula––epektibo ba ang paggamit ng talinghaga, dramatikong sitwasyon, persona, at iba pa? O kung gumamit ng larawan, orihinal ba ito––ibig sabihin ay sariling kuha o guhit––o hindi? Mas mainam siyempre kung sa iyo mismo ang larawan. At paano mo nagamit ang mga elemento ng tekstong biswal tulad ng paglalaro sa liwanag, perspektibo, lalim, at iba pa? Paano mo rin nagamit ang larawan kaugnay ng iba pang nilalaman ng entry? Hindi dahil gumamit ng iba o bagong anyo ay mainam na; mahalagang tiyakin na kinakailangan at mahusay ang paglalahad gamit ang anyong pinili.

3. Naedit ko ba nang mabuti ang isinulat?


Tiyakin na isinaalang-alang ang Manwal sa Masinop na Pagsulat ng Komisyon sa Wikang Filipino bilang gabay sa ortograpiya at masinop na pagsusulat. Nasa ibaba ang ilan sa krimeng pangkaraniwang gawin ng mga mag-aaral sa pagsusulat sa Filipino. Ilang halimbawa ng kailangang bantayan ang mga sumusunod na madalas na kaligtaan ng mga mag-aaral:
  1. Huwag kalimutang lagyan ng kudlit (') ang mga salitang tinitipil tulad ng ‘yung, h’wag, ‘min, ‘tin, p'wede, 'ika at iba pa. Pero kung maiiwasan, hangga't maaari ay iwasan ang paggamit ng kudlit.
  2. Tiyaking wasto ang gamit ng nang at ng. I-click dito para sa pagkakaiba ng dalawa.
  3. Huwag kalimutan ang paggamit ng pang-angkop na na, –ng at –g kung kinakailangan. Tingnan dito ang wastong gamit ng pang-angkop.
  4. Tiyaking wasto ang gamit ng may at mayroon. I-click dito para sa pagkakaiba ng dalawa.
  5. Masalimuot ang pandiwa natin. Balik-aralin ito rito.
  6. Tiyaking wasto ang gamit ng subukin at subukan. I-click dito para sa pagkakaiba ng dalawa.
  7. Walang gitling sa isa't isa at iba't iba; mayroon sa isa-isa at iba-iba. Huwag ding lagyan ng gitling sa loob ng salitang di naman maaapektuhan ang bigkas tulad sa "magka-intindihan" na dapat ay basta "magkaintindihan." Wala ring gitling sa pagitan ng ika- at bilang kaya ikapito at hindi ika-pito. Lagyan naman ng gitling kapag pangngalang pantangi ang kasunod ng pag- o mag-, tulad ng mag-Tagalog. 
  8. Huwag paghiwalayin ang mga panlapi at salitang-ugat. Halimbawa, basta "nagbukas" hindi "nag bukas." Paghiwalayin naman ang dapat ay magkabukod na salita tulad ng "saamin" na dapat ay "sa amin" at "sayo" na dapat ay "sa iyo." Pinakamadalas na pagkakamali rito ang parin, narin, nalang, palang na dapat ay "pa rin," "na rin," "na lang" at "pa lang."
  9. Ilagay sa panipi ang pamagat ng mga akda o gumamit ng italics kung ito'y mahabang akda o isang buong aklat. Halimbawa, "Ang Tikbalang" ni Tony Perez at Noli Me Tangere ni Jose Rizal.
  10. Huwag pagpapalitin ang sila at sina. Panghalip ang sila at pantukoy ang sina.
  11. Maging maingat sa baybay ng mga salita. Halimbawa: imahen at hindi imahe; responsabilidad at hindi resposibilidad; aspekto at hindi aspeto; maaari at hindi maari; natutuhan at hindi natutunan; hanggahan at hindi hangganan; tingnan at hindi tignan.
  12. Iwasan din ang dobleng maramihan. Hindi mga magagaling; magagaling o mga magaling. Maramihan na rin kapag gumamit ng ilang kaya huwag nang dagdagan pa ng mga: ilang bagay at hindi ilang mga bagay.
  13. Tiyakin din na wasto ang pinipiling salita. Halimbawa, huwag gamitin ang nahanap kung nakita ang ibig tukuyin; iba ang paghahanap sa pagkakita.
  14. Hindi nakaka+salitang-ugat; naka+unang pantig ng salitang-ugat+salitang-ugat. Kaya naman, nakagugutom, hindi nakakagutom.
  15. Huwag kalimutang simulan ang pangungusap sa malaking titik. Huwag ding gumamit ng puro malaking titik maliban kung akronim ang isinusulat
  16. Ulitin ang salita sa mga salitang nag-uulit. Kaya: ano-ano at hindi anu-ano; salo-salo at hindi salu-salo. Wala namang salitang gamo o paro kaya gamugamo at paruparo, hindi gamo-gamo o paro-paro.
4. Binasa ko bang muli upang ma-proofread ang isinulat? 

Bunga ng kawalang-ingat at pagmamadali ang marami sa mga pagkakamali sa entry, tulad ng maling baybay, at maling paggamit o di paggamit ng bantas. Madaling iwasan ito kung nagpu-proofread man lámang ng isinulat bago ito ipasa.



KAPAG OO NA ang sagot mo sa apat na tanong sa itaas, saka ipadala sa walongdiwata@gmail.com ang mga sumusunod:

Subject ng Email: 
Pakikilahok sa Klase Blg. 1 [Ilagay kung pang-ilan na ito sa mga ipinadalang blog entry. Paalala na bago man ang blog entry o rebisyon ng naunang ipinadala ay panibagong bilang.]

Body ng Email:
Buong Pangalan
Klase at Seksiyon sa Filipino
Link sa Espesipikong Blog Entry [Paalala na link sa espesipikong blog entry ang ipadadala, hindi link sa home page ng iyong blog. Mag-ingat din na hindi edit preview link ang maipadala.]


Tiyakin na magpapasa sa araw at oras na pinahihintulutan. Hindi ko tatanggapin ang mga ipinadalang hindi sang-ayon dito ang araw at oras ng pagpapadala ng blog entry.

Nagsisimula ang bawat mag-aaral sa markang 0 at bawat entry na mahusay ay makakukuha ng 1 puntos. Kailangan lamang ng apat na mahusay na entry para makakuha ng maximum na 4.00 para sa pakikilahok sa klase.

Samantala, narito ang ilan sa pinakamahuhusay na blog entry na natanggap ko mula sa mga dating mag-aaral. Gamitin nawa ninyong inspirasyon ang mga ito para sa sarili ninyong blog entry.


Maaari ring tingnan ang aking Twitter account (@ecsamar) o i-search ang #Ikawnaangmagaling sa Twitter para sa iba pang blog entry na nabigyan ng puntos nitong mga nagdaang semestre.

Ngayon, magsisimula na tayong magtanim. At mag-aabang ako sa inyong mga dambuhalang punò.

Updated: 4 Hunyo 2016